Umakyat na sa siyam ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Maring sa bansa.
Ayon kay NDRRMC executive director Usec. Ricardo Jalad, 4 sa mga ito ay mula sa nangyaring flashflood sa Narra sa Palawan, 3 sa nangyaring landslide sa La Trinidad at 1 sa Itogon na kapwa nasa Benguet habang isa rin dahil sa pagkalunod sa Claveria, Cagayan
Maliban dito, sinabi rin ni Jalad na may 11 rin ang napaulat na nawawala habang 2 ang nasaktan mula sa 15 naitala nilang insidente ng biglaang pagbaha at 4 na pagguho ng lupa sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Mimaropa, Western Visayas at Cordillera.
Sa ngayon ay patuloy pa rin umano ang pagtanggap ng ulat ng NDRRMC sa mga local counterparts nito hinggil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Maring.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala