Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang dalawang dayuhang Chinese matapos kidnapin ang kapwa nila Chinese sa Almaza Uno, Las Piñas City.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, dinukot ng dalawang puganteng tsino ang tatlong Chinese na mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Kinilala ang mga biktima na sina, Su Pengyin, Zhiwei Xu at Cao Qi Su habang ang mga inaresto naman ay kinilalang sina Gao Yuan-Yuan at Qin Yue Hang na nakatira sa Huan, China.
Ayon sa mga otoridad, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Chinese Embassy nito lamang Oktubre 12 kaugnay sa umano’y illegal detention na ginawa sa tatlong Chinese victim.
Dito na ikinasa ng mga otoridad ang rescue operation sa Building D, Xunchuang Network Technology Inc., sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Almaza Uno, Las Piñas City at na-rescue ang mga biktima.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang mga naarestong suspek.—sa panulat ni Angelica Doctolero