Umabot na sa 25 indibidwal ang naitalang nasawi dahil sa malawakang pagbaha at landslide dulot ng malakas na pag-ulan sa Kerala, Southwest India.
Ayon sa mga official rescuer, narekober ang mga bangkay sa pinaka- apektadong distrito kabilang na ang Kottayam at Idukki.
Sa pahayag ng mga tauhan ng National Disaster Response Force at Indian Army Teams umabot sa hanggang dibdib ang lebel ng tubig baha kung saan, kabilang sa kanilang mga iniligtas ang mga pasahero ng isang bus na nalubog sa gitna ng kalsada.
Ayon kay State Chief Minister, Pinarayi Vijayan, libo-libong mga indibidwal ang pansamantalang inilikas sa mahigit 100 relief camps habang nagsasagawa na ng relief and rescue operations ang mga tauhan ng US Army, Navy at Airforce sa nangyaring pagbaha upang alamin ang kabuuang bilang ng mga nasawi, nawawala at mga nasirang ari-arian sa nabanggit na lugar.
Nakikiramay naman si Prime Minister Narendra Modi sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha at mga pamilyang naiwan ng mga nasawi. —sa panulat ni Angelica Doctolero