Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nasusunod ang minimum health protocols sa gitna ng muling pagdagsa ng publiko sa Manila bay walk dolomite beach.
Ito, ayon kay DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs, Atty. Jonas Leones, ay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Mayroon anyang mga nagbabantay na marshal ang DENR sa naturang lugar katuwang ang Philippine Coast Guard, Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police.
Inabisuhan naman ng kagawaran ang mga namamasyal sa dolomite beach na panatilihin ang disiplina at iwasan ang pagtatapon o pagkakalat ng basura.
Oktubre 16 nang buksan muli sa publiko ang dolomite beach makaraang ibaba na sa alert level 3 ang quarantine status sa Metro Manila.