Patunay lamang na umiiral pa rin ang rule of law kung saan pantay-pantay ang bawat Pilipino sa mata ng batas anuman ang estado nito sa buhay.
Iyan ang binigyang diin ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng paghahain ng kasong kriminal laban sa anak ng negosyanteng si Roberto Ongpin na si Julian dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Si Julian ang nobyo ng artist na si Bree Jonson na siyang itinuturing ding person of interest sa pagkamatay nito matapos matagpuang wala nang buhay sa loob ng kanilang silid sa isang hostel resort sa La Union nitong nakalipas na buwan.
Inaresto ang batang Ongpin dahil sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 subalit pinalaya rin salig sa kautusan ng La Union Provincial Prosecutor’s Office.
Pinangunahan ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kay Ongpin na isang non bailable offense sa Regional Trial Court ng San Fernando, La Union.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)