30 ang naitalang nasawi habang nasa 100 katao naman ang naitalang sugatan sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng Somali National Army at mga miyembro ng Ahlu Sunnah Wal Jama’a o mga militia na dating kasapi ng mga militar.
Naganap ang hidwaan sa bahagi ng Guriceel na sakop ng Somalia sa Eastern Africa kung saan, ang dalawang grupo ay lumalaban upang mapigilan ang kaguluhan mula sa mga militanteng grupo.
Nagsimula ang tensiyon nang akusahan ng grupo ng militia ang gobyerno na hindi sapat ang ginagawa o wala itong kakayahan upang ipagtanggol ang kanilang lugar laban sa mga miyembro ng Al-Shabab o mga militanteng grupo.
Habang inaakusahan naman ng gobyerno ang ASWJ o grupo ng mga militia na kumikilos nang walang pahintulot sa kanila.
Dahil dito, nagkasa ng pre-emptive attack ang Federal Forces laban sa ASWJ na agad ding gumanti dahilan para maitala ang 30 bilang ng mga nasawi at mataas na bilang ng mga sugatan. —sa panulat ni Angelica Doctolero