Kasabay ng isang linggong pagdiriwang ng Lanzones festival, muling binuksan sa mga turista ang isla ng Camiguin.
Naglabas na ng ilang paalala ang pamahalaang lokal ng camiguin sa mga turista na bibisita o bumibisita sa isla.
Sa Executive Order 114 ng LGU, ang sinumang nais bumisita sa lugar ay kailangang fully vaccinated at mayroong negative swab test result, tatlong araw mula ng ito ay makuha kung galing sa Metro Manila habang apat na araw kung magmumula sa Visayas at Mindanao.
Kailangan ding magpakita ang mga turista ng proof of confirmed accommodation reservation sa hotel na tutuluyan at Local Government Unit clearance kung sa bahay ng kamag-anak mananatili.
Maaari namang makapasok ang mga menor de edad basta’t may kasamang magulang o guardian na fully vaccinated at kailangang i-download ang clean Camiguin QR code bago makapasok sa isla.
Muling inabisuhan ng LGU ang mga turista na sumunod sa mga safety at health protocols, gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at face shields.—sa panulat ni Drew Nacino