Nanunumbalik na umano ang sigla ng kalakalan dahil sa maayos na sistema ng pagpapatupad ng alert level sa National Capital Region.
Aminado si Labor Secretary Silvestre Bello III namarami ang natengga at nawalan ng trabaho at nagsarang mga negosyo dahil sa ipinatupad noon na mas mahigpit na health at safety protocol ng IATF.
Ayon sa kalihim, marami ring employer ang nahirapang magbigay ng 13th month pay para sa kanilang mga empleyado noong isang taon hanggang ngayon dahil hirap pa rin umano sila sa mahinang negosyo.
Gayunman, iginiit ni Bello na obligasyon o walang exemption ang mga employer sa pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado.
Maaari naman anyang kausapin ng mga employer ang kanilang mga manggagawa kung pwedeng ipagpaliban muna o ibigay nang dalawang bugso ang kanilang 13th month pay.—sa panulat ni Drew Nacino