Hindi lahat ng pumila upang magpa-rehistro para sa 2016 elections ay makaboboto.
Ito ang nilinaw ni Commission on Elections (COMELEC) Spokesman James Jimenez kahit pa opisyal ng nagtapos noong Sabado ang registration.
Ayon kay Jimenez, ang paghahain ng application form of registration o AFR ay hindi otomatikong nangangahulugan na ang isang rehistradong botante ay makaboboto na sa susunod na halalan.
Daraan pa anya sa mabusising proseso ng Election Registration Board bago ma-rehistro ang mga pangalan sa official list of voters at tanging ang mga maaaprubahan ng ERB ang ikukunsiderang eligible na bumoto.
Dagdag ni Jimenez, hangga’t walang petisyon na inihahain laban sa AFR ay may tsansang maaprubahan agad ng board ang aplikasyon.
Inaasahang sa Pebrero 9 ilalabas ng poll body ang certified list of voters at posibleng umabot sa mahigit 50 milyong rehistradong botante ang makikibahagi sa May 2016 elections.
By Drew Nacino | Aya Yupangco