Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon sa pagpapalawig ng pilot implementation ng mga Alert level system simula Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 14.
Isasailalim ang ilang lalawigan, highly urbanized cities, at independent component cities sa iba’t ibang Alert level system sa bansa.
Nakasailalim sa Alert level 4 ang Aurora, Bacolod City, Negros Oriental, at Davao Occidental.
Habang ang Bataan, National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal, Iloilo City, Siquijor, Lanao Del Norte, Davao City, at Davao Del Norte ay nasa ilalim naman ng Alert level 3.
Ang Baguio City naman ay kasama sa lugar para sa special monitoring at ilalagay din sa ilalim ng Alert level 3.
Habang nasa ilalim ng Alert level 2 ang ilang lugar sa Region 3, Region 4-A, Region 6, Region 7, Region 10 at Region 11.
Gayundin, inaprubahan din ng IATF ang risk-level classifications ng mga lalawigan, highly urbanized cities, at independent component cities kung saan hindi pa kasama sa pinalawig na Alert levels system.
Ang Mountain Province, Catanduanes, Ant Zamboanga City ay ilalagay naman sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) mula Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 15, 2021.
Ang Abra, Cagayan, Isabela, City of Santiago, Nueva Vizcaya, at Quirino ay ilalagay naman sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) “with heightened restrictions” mula Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 30, 2021.
Inilagay naman sa ilalim ng GCQ para sa buong buwan ng Nobyembre ang Ifugao, Benguet, Apayao, Kalinga, Ilocos Sur, Dagupan City, at iba pang mga lalawigan sa bansa.
Samantala, ang mga lugar na hindi nabanggit ay ilalagay naman sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) para sa buong buwan ng Nobyembre.