Asahan na ang patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases sa Metro Manila matapos ang isang flat trend o plateau.
Ito ang inihayag ni OCTA research group senior fellow, Dr. Guido David sa gitna ng patuloy na pagbulusok ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay David, posibleng makita sa mga susunod na araw ang pagsadsad ng COVID-19 cases dahil sa nakikitang seven-day average.
Sa seven-day average mula Oktubre 23 hanggang 29 ay mayroong 955 cases kada araw, na mas mababa ng negative 4%, habang ang kasalukuyang seven-day average ay flat sa loob ng siyam na araw sa kabila ng backlogs at technical glitches sa reporting system.
Ipinaliwanag ni David na ang pagbalik sa triple-digit cases ng ilang lungsod sa NCR, tulad ng Valenzuela, ay natural o artipisyal sanhi ng backlogs sa data reporting.
Sa kabila ng kaunting pagtaas sa datos ng COVID-19, nananatiling mas mababa sa 1 ang reproduction number sa NCR, indikasyon na ang pagtaas sa bilang ng kaso ng virus ay hindi nangangahulugang posibleng bumalik ang impeksyon.— sa panulat ni Drew Nacino