Hinimok ng mga grupo ng mga estudyante ang lokal na pamahalaan ng Baguio City na magdeklara ng ”academic break”.
Inirekomenda ng mga student leader na magpatupad ng academic break sa lahat ng paaralan sa Baguio mula Nobyembre 12 hanggang 17, dahil sa academic pressure at stress na nararanasan ng mga estudyante.
Anila, marami pa sa kanila ang bugbog sa school requirements gayong umaahon pa lamang sila mula sa hagupit ng bagyong Maring.
Samantala, nagsagawa rin ng candle-light protest ang nasa 400 estudyante ng St. Louis University sa Baguio City nitong Sabado upang humiling ng academic break.
Isinagawa ng mga estudyante ang protesta matapos umanong magpatiwakal ang tatlong estudyante dahil sa pagod at stress.—sa panulat ni Hya Ludivico