Inihayag ng Food and Drug Administration (FDA) na marami silang natanggap na aplikasyon para amyendahan ang emergency use authorization o EUA ng ilang COVID-19 vaccines.
Sa Talk to the People kahapon, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na ang mga aplikasyon na kanilang natanggap ay mula sa Pfizer, Astrazeneca, Sinovac at Sputnik V.
Ani Domingo, kabilang sa mga hirit na amyendahan ng mga ito ay ang maisama ang pagtuturok ng third dose ng kanilang regimen o ang booster dose.
Suportado aniya ang mga ito ng kani-kanilang scientific data na inaaral ngayon ng mga eksperto sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Domingo na kasabay ng pag-aaral ng FDA kung gaano ka epektibo ang booster shots, kasalukuyang pinag-aaralan din ng Department of Health (DOH) ang posibleng mix and match ng mga bakuna kontra COVID-19. —sa panulat ni Hya Ludivico mula sa ulat ni Jenny Valencia-Burgos (Patrol 29)