Suportado ng mga eksperto ang planong pagdaraos ng national immunization day for COVID-19 ngayong buwan.
Ayon kay Dr. Ted Herbosa, Adviser ng National Task Force against COVID-19, iminungkahi ng Philippine Medical Association ang naturang plano, na inihalintulad sa immunization day program ng gobyerno para sa measles at polio kung saan ang mga kinakailangang mabakunahan ay dinadala sa vaccination center.
Aniya, planong isagawa ang national vaccination day sa loob ng tatlong araw.
Layon aniya ng programa na makapagbakuna ng limang milyong indibidwal kada araw.
Sinabi pa ni Herbosa na natanggap ng Pilipinas ang nasa 34 milyon doses ng bakuna nitong Oktubre kung saan ito ang pinakamataas na bilang ng doses ng bakuna na natanggap ng Pilipinas.—sa panulat ni Hya Ludivico