Umapela ang Malakanyang sa publiko na huwag kalimutan na nananatili ang banta ng COVID-19 virus.
Ito’y sa gitna nang napaulat na pagdagsa ng mga tao sa mall at iba pang pasyalan matapos ibaba ang alert level 2 sa Metro Manila.
Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, tama lamang na buksan ang mga mall sa kabataan para makabawi ang ekonomiya.
Gayunman, hindi anya dapat maging superspreader event ang pagpasyal sa mall.
Iginiit ng Palace official na responsibilidad pa rin ng bawat isa na sumunod sa minimum health standards tulad ng pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng kamay at physical distancing.
Ibinabala ni Roque na kapag marami ang nagpabaya at hindi tumupad, tataas na naman ang kaso ng COVID-19 sa bansa na magiging dahilan muli ng pagsasara ng malls at maraming hanapbuhay na naman ang maapektuhan.—mula sa ulat ni Jen Valencia-Burgos sa panulat ni Drew Nacino