Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang panukalang batas na naglalayong maibaba ang presyo ng produktong petrolyo at kuryente.
Sa ilalim ng Senate Bill # 2440 tatlong taon na pinababawasan ng 50% ang excise tax sa gasolina at diesel gayundin sa coal na gamit ng mga planta ng kuryente.
Tatlong taon din na gagawing exempted sa value added tax ang system loss charges sa kuryente.
Batay anya sa report ng Department of Energy, tataas pa ang presyo ng petrolyo dahil sa pangangailangan ng maraming bansa ngayong marami ang nagbubukas ng ekonomiya.
Ayon kay Sen. Recto matinding pahirap sa publiko at mga negosyo ang pagsirit ng presyo ng petrolyo at kuryente.
Dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o Train Law o, 10-piso ngayon ang excise tax na ipinaataw sa bawat litro ng gasolina, 6-na piso sa krudo at 5-piso sa kerosene.
Nasa 10-piso hanggang 150-piso naman ang excise tax ng bawat metriko tonelada ng coal.—sa panulat ni Joana Luna at ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)