Pinaalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Commission on Elections (COMELEC) na paghandaan ang mga kabi-kabilang pangangampanya ngayong nalalapit na ang 2022 National at Local Elections.
Ito’y sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19 virus sa bansa.
Ayon sa Pangulo, malaking hamon ito para sa COMELEC lalo’t kung papayagan nito ang mga pagtitipon dahil hindi naman aniya makakapangampanya sa pagsigaw lamang sa isang sulok.
Hinimok ng Pangulo ang komisyon na magbigay sa mga kandidato ng panuntunan o kaya naman ay ibang pamamaraan dahil wala umanong eleksyon ng walang nagaganap na pangangampanya.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi lahat ng kumakandidato ay may kakayahang gumastos para lamang mapanood o magkaroon ng exposure sa telebisyon.
Magugunitang may mga pagtitipon nang isinasagawa ang ilang mga kandidato na sinilip ng DILG para tiyakin kung nakakasunod ang mga ito sa ipinatutupad na health protocols. —sa ulat ni Jenny Valencia Burgos (Patrol 29), sa panulat ni Hya Ludivico