Magpupulong na ang mga Metro Manila mayor upang pagpasyahan kung magpapatupad ng travel restrictions sa mga bata na hindi pa bakunado laban sa Covid-19.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ipinabatid na sa kanya ni MMDA Chairman Benhur Abalos ang pagtalakay ng Metro Manila Council sa issue matapos mag-positibo sa Covid-19 ang isang 2 taong gulang na lalaki makaraang pumunta ng mall.
Bagaman masyado pang maaga upang maglabas ng haka-haka, kailangan pa anya nilang kumpirmahin mula sa mga pediatric expert at imbestigahan ang ulat dahil maaaring isa lamang itong kaso ng false positive.
Nasa mga local government units na rin anya ang kapangyarihan na magpatupad ng restrictions kung kinakailangan upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Una nang tiniyak ng Department of Health sa publiko na hindi maka-aapekto ang kaso ng bata sa umiiral na alert level 2 sa Metro Manila. —sa panulat ni Drew Nacino