Malabo nang maipasa ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ito, ayon kay Representative Lito Atienza ng Buhay Partylist ay dahil pa rin sa kawalan ng quorum at abalang-abala ngayon sa pangangampanya ang mga kongresista.
Giit ni Atienza, karamihan sa mga mambabatas na hindi dumadalo sa sesyon ay miyembro ng partido ng administrasyon.
Samantala, nanawagan naman sa mga mambabatas si Government Chief Negotiator Miriam Coronel-Ferrer na dumalo sa mga nalalabing sesyon ng Kongreso upang matalakay ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa isang statement, iginiit ni Ferrer na kaya hindi natutuloy ang deliberasyon sa usapin ay dahil sa kawalan ng quorum at madalas na pag-absent ng mga kongresista.
Ayon kay Ferrer, dapat magkaisa na ang liderato nina Speaker Feliciano Belmonte at Senate President Franklin Drilon upang maipasa ang naturang panukalang batas.
Tiniyak din ng opisyal na handa ang Moro Islamic Liberation Front o MILF na ituloy ang decommissioning ng kanilang mga baril at combatants sakaling lumusot ang BBL.
By Jelbert Perdez