Hinihingan na ng written explanation ang Department of National Defense (DND) ng mga senador ukol sa bilyon-bilyong pisong unliquidated na pondo ng AFP na naka garahe sa Philippine International Trading Corporation (PITC) at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Sa budget deliberation, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na batay sa report ng Commission on Audit (COA) may unliquidated balance ang AFP sa PITC na 4.980 billion pesos as of Disyembre 2020, habang may unliquidated balance na 5.2 billion sa PS-DBM.
Ayon kay Drilon, nangangahulugan ito na may higit 10-bilyong pisong pondo ang AFP na natutulog sa PITC at PS-DBM sa panahong may mahigpit na pangangailangan ang gobyerno sa pondo.
Sinabi naman ni Senator Ping Lacson na batay din sa COA report para sa fiscal year 2020, nasa 8.5 billion pesos ang unliquidated balance ng Philippine Army sa PITC mula sa kabuuang fund transfers nito na halos 16 billion pesos.
Giit ni Drilon bakit naging kampante ang militar sa paglilipat ng pondo sa dalawang ahensya at kapuna-puna raw na taong 2017 nung mag umpisa ang lagpas 2.5 billion pesos na kada-taon na fund transfers ng AFP sa PITC.
Nakakabahala daw ito dahil baka AFP Modernization Fund ang nalilipat sa PS-DBM samantalang wala naman itong expertise sa pagbili ng kailangan ng militar.
Bilang sponsor ng budget ng DND, tiniyak ni Senator Ronald Bato Dela Rosa na magsusumite sila ng detalyadong explanation at nilinaw din na hindi naglipat ang AFP ng Modernization Fund sa PS-DBM. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)