Paglabag sa konstitusyon ang paglilimita sa bilang ng mga medical workers tulad ng mga nurse na papayagang magtrabaho sa ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Senator Richar Gordon sa deliberasyon ng budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa susunod na taon.
Ayon kay Gordon, pinagkakaitan ang mga medical workers ng pagkakataon na magtrabaho sa ibang bansa at kumita ng mas malaki.
Wala anyang masama kung mag abroad ang mga health workers dahil kung tutuusin, malaking tulong ito sa ekonomiya dahil lalaki ang dollar remittances.
Giit ni Gordon hindi naman kukulangin ang health workers dahil batay sa talaan ng Professional Regulatory Commission, as of April 20, 2021, mayroong 512,719 ang registered nurses sa bansa pero ang 165,361 lang ang nagtatrabaho sa mga pampubliko at pribadong health facilities.
Madadagdagan pa raw itong pagkatapos ng isasagawang licensure exams para sa nurses.
Paliwanag naman ni Senator Joel Villanueva na ang nagdepensa sa budget ng DOLE, nagtakda ang Inter Agency Task Force ng deployment cap o limit sa bilang ng medical workers na pwedeng magtrabaho abroad para matiyak na magiging sapat ang health workers sa bansa sa gitna ng pandemya.
Nlinaw din anya ng DOLE na exempted sa limitadong deployment ang papunta o galing sa United Kingdom at ang mga balik manggagawa sa abroad.
Nangako si Labor Secretary Silvestre Bello III na rerepasuhin ang deployment cap batay na rin sa kahilingan ng Philippine Nurses Association. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)