Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na tanging sa edad 12 hanggang 17 taong gulang pa lamang ang sakop ng pediatric vaccination sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni FDA Director General Usec. Eric Domingo na inuumpisahan pa lamang ng Amerika ang pagbabakuna sa mga edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Ito’y dahil kakalabas lamang ng EUA amendment ng Pfizer para maisama sa kanilang EUA ang pagbabakuna sa nasabing age groups.
Sa ngayon ay nakaantabay pa sila sa vaccination roll out para sa nasabing age group sa Estados Unidos kung saan hinihintay din ang datos kung ito ba ay epektibo at kung mayroong side effect sa katawan ng bata.
Aniya, wala pa ring aplikasyon ang Pfizer para sa EUA amendment dito sa bansa.
Inaasahan naman ng FDA na bago matapos ang buwan ay mag-a-apply na rin ang Pfizer ng EUA amendment sa Pilipinas para maisali na sa kanilang EUA ang mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang.