Umaasa ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na aatras na ang mga barko ng China na nasa bahagi ng Ayungin shoal na sakop ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang inihayag ni Task Force Co-Chairman at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr nang kumpirmahin din nito ang insidente ng pagtaboy ng Chinese Coast Guard sa 2 bangkang pangisda ng mga Pilipino nuong Nobyembre a-16.
Ayon kay Esperon, 3 bangka sana ang patungong BRP Sierra Madre para magdala ng supplies at pagkain para sa mga sundalong nakahimpil duon nang harangin sila ng mga dambuhalang barko ng China.
Subalit 2 sa mga ito, ang Unaiza Mae 1 at 3 ay nagawang itaboy ng mga barko ng Tsina gamit ang water canon ngunit hindi naman nagtamo ng malubhang pinsala kaya’t nagawa pang umatras at bumalik sa Pag-asa Island.
Giit ng kalihim, hindi pangkaraniwan ang dami ng mga barko ng Tsina sa naturang karagatan na tinatayang nasa 19 hanggang 45 na agresibo sa pagtaboy ng mga sasakyang pandagat na nagmumula sa Pilipinas. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)