Malapit nang mag-plateau ang mga kaso ng Covid-19 sa NCR dahil sa inaasahang patuloy na pagbaba ng mga bagong kaso ng virus.
Ito ay makaraang makapagtala ng negative 7% na average growth rate ang rehiyon.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, mula November 11 hanggang 17 ay naitala ang average na 379 bagong kaso kada araw na mas mababa kumpara sa 407 average mula November 4 hanggang 10.
Maliban dito, bumaba na rin sa 0.5 ang reproduction number sa Metro Manila nitong November 14 habang ang positivity rate sa mga Covid-19 tests ay nasa 3% na lamang mula November 10 hanggang 16.
Kung magpapatuloy aniya ang pagbaba ng mga kaso ay malaki ang tiyansa na maabot ang target 7-day average na 200 new cases sa katapusan ng Nobyembre.
Sa kabila nito, patuloy na hinihikayat ni David ang publiko na sundin pa rin ang minimum public health standards. —sa panulat ni Hya Ludivico