Ipauubaya na ng Metro Manila mayors sa IATF ang pagdedesisyon ukol sa ipapataw na restriksiyon sa paglabas ng mga menor de edad sa kani-kanilang tahanan.
Sa isang panayam sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na pumirma na ng isang resolusyon ang Metro Manila Council na nagsasaad na ibinabalik na sa IATF ang kapangyarihang magpasya sa nasabing isyu.
Nabanggit rin ni Zamora ang isang insidente kung saan nagpositibo ang dalawang taong gulang na bata matapos nitong pumunta sa mall.
Ani alkalde, walang sinoman ang makatitiyak kung paano nahawaan ng sakit ang bata at patuloy ang pagsasagawa ng IATF ng karagdagang pag-aaral hinggil sa kaso.
Magugunitang sa unang bahagi ng linggong ito, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga LGU’s na limitahan ang pagpapapasok sa mga hindi pa bakunadong menor de edad sa mga mall, upang maprotektahan sila sa COVID-19.—sa panulat ni Joana Luna