Posibleng ipatupad muli ang number coding scheme sa Metro Manila sa susunod na linggo.
Ayon kay MMDA Chairman Benjamin Abalos, magsusumite siya ng rekomendasyon sa Metro Manila Mayors hinggil sa pagbabalik ng number coding scheme.
Ito’y dahil nagsisimula na anyang bumalik sa pre-pandemic levels ang daloy ng trapiko kaya’t mahalagang malimitahan ang mga dumaraang sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Nilinaw naman ni Abalos na pagbabawalan lamang ang mga sasakyan sa mga major thoroughfare tuwing afternoon rush hour, na nangangahulugang maaari pa ring gamitin ng mga tao ang kanilang pribadong sasakyan.
Sa ilalim ng number coding scheme, ang mga sasakyan na may plate number na nagtatapos sa 1 at 2 ay ipagbabawal tuwing Lunes; 3 at 4 tuwing Martes; 5 at 6 kapag Miyerkules; 7 at 8 tuwing Huwebes; at 9 at 0 kapag Biyernes. —sa panulat ni Drew Nacino