Hindi kabilang ang substance o drug use sa mga rason upang i-diskwalipika ang sinumang naghahangad na maluklok sa public office.
Ito ang nilinaw ni COMELEC Spokesman James Jimenez matapos ang blind item ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong isang presidential aspirant ang gumagamit ng cocaine.
Ayon kay Jimenez, noong mga nakalipas na halalan ay ni-require nilang magsumite ng negative drug test ang mga kandidato subalit hindi ito inaprubahan ng Korte Suprema.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, maaari lamang anyang i-disqualify ang isang political aspirant kung siya ay idineklarang wala sa tamang pag-iisip o walang kakayahan;
At kung sinentensyahan ng subversion, insurrection, rebellion o anumang pagkakasala na naging dahilan upang makulong siya sa loob ng 18 buwan, maging krimen na may kinalaman sa moral turpitude. —sa panulat ni Drew Nacino