Nananatili si Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangunahing napupusuan ng Lakas – CMD sa pagka-senador sa 2022 elections, sa kabila ng pagtangging bumuo ng kowalisyon kasama ang administration party na PDP-Laban.
Ayon sa Lakas-CMD, anuman ang mangyari ay si Pangulong Duterte ang kanilang “top choice” at ito lamang ang senatorial candidate na nasa listahan ng kanyang anak na si Davao City mayor Sara Duterte – Carpio at ng partido.
Nilinaw ng lakas na hindi na bago ang opinyon ng Pangulo sa pakikipag-alyansa lalo’t tinanggihan na noong isang linggo ng PDP ang tandem nina dating senador Bongbong Marcos at Mayor Inday, na unang ibinunyag ng alkalde.
Bagaman malinaw anila ang public pronouncements ng mag-ama, taliwas naman ito sa mga pahayag ni Senator Bong Go, na tumatakbo rin sa pagka-pangulo.
Magugunitang pina-sinungalingan ni Go ang pahayag ni mayor Inday na tumanggi ang PDP na suportahan ang kandidatura nila ni Marcos.
Sina Pangulong Duterte at senador Go ay tumatakbo sa ilalim ng pederalismo ng dugong dakilang samahan na ka-alyado ng PDP-Laban.—mula sa panulat ni Drew Nacino