Tiniyak ng pamunuan ng Metro Rail Transit 3 ang kaligtasan ng kanilang pasahero.
Ito’y sa kabila ng insidente ng pambabato sa isa sa mga bagon ng tren ng MRT-3 sa pagitan ng Taft at Magallanes stations kung saan isang lalaking pasahero ang nasugatan, mag-a-ala syete kahapon ng umaga.
Ayon sa Department of Transportation, agad binigyan ng first aid sa Magallanes station ang singkwenta’y uno anyos na biktima at kalauna’y isinugod sa San Juan De Dios Hospital.
Nahuli naman sa isang construction site malapit sa Taft Avenue ang suspek sa pambabato na isang basurero.
Dahil sa insidente, nabasag ang bintana ng bagon at ilang minutong naantala ang biyahe ng MRT-3. —sa panulat ni Drew Nacino