Aabot sa humigit kumulang 50 miyembro ng militanteng grupo ang nagmartsa hanggang sa harap ng Gate 2 ng Kampo Aguinaldo kanina bitbit ang kani-kanilang mga plakard, isinisigaw nila ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF ELCAC.
Karamihan sa mga nagkilos protesta ay nagmula pa sa Cagayan Valley na pawang magsasaka at mga miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura o UMA at Anakpawis
Ayon kay Renato Gameng, Chairperson ng KMP – Isabela, hindi sapat na bawasan ang pondo ng ELCAC dahil dapat ay tuluyan na umano itong tanggalan ng pondo.
Paliwanag niya, puro hirap ang naranasan ng mga magsasaka sa kanilang rehiyon dahil puro red-tagging ang ginagawa ng militar at sa katunayan ay hindi na sila halos na makapagtanim dahil sa takot na maaresto.
Matapos sa DND, dumiretso ang mga militante sa Senado para doon mangalampag kung saan ay patuloy ang pagtatalo sa Senado kung dapat bang tapyasan ang pondo ng ELCAC mula sa P28 Billion ay gawing P4 Billion na lamang.