Tiyak na may kalalagyan ang mga pasaway na pulis na ayaw paawat sa pagtoma o pag-inom ng alak lalong lalo na sa loob ng mga kampo ng pulisya.
Ito ang babala ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos kasunod ng nangyaring insidente ng pambubugbog ni P/Col. Donluan Dinamling Jr. ng PNP AVSEGROUP 5 kay P/MSgt Ricky Brabante nitong weekend.
Dumalo si Dinamling sa Birthday salu-salo ng kaniyang mistah sa PNPA na si P/Col. Clarence Gomeyac ng RMFB sa Camp Simeon Ola sa Legazpi City sa Albay kung saan nangyari ang pambubugbog kay Brabante na naging sanhi ng pagkabulag nito.
Ayon kay Carlos, matagal nang ipinagbabawal sa loob ng mga kampo ang pag-iinuman na lalo pang pinaigting ng inilunsad na Intensified Cleanliness Policy (ICP) ng PNP.
Una nang sinibak sa pwesto ang magkaklaseng sina Gomeyac at Dinamling dahil sa kani-kanilang paglabag na ngayon ay nahaharap sa mga kasong Administratibo.
Giit ni Carlos, kailangang isipin ng mga pulis ang pagsunod sa mga alituntunin lalo’t sila mismo ang nagpapatupad ng batas na sinusunod naman ng publiko. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)