Maituturing na contained o controlled na ang COVID-19 situation sa Pilipinas.
Ito, ayon kay National Task Force Against COVID-19 Special Medical Adviser Dr. Ted Herbosa kasunod ng naitalang mababang positivity rate sa bansa.
Halos dalawang linggo na kasing nakapagtala ng mas mababa sa 5% na positivity rate ang Pilipinas, kung saan pasok ito sa ideal rate ng World Health Organization.
Dahil dito maaari na aniyang sabihin na kontrolado na ng bansa ang COVID-19, lalo pa’t kakaunti na lamang ang naitatalang bagong mga kaso ng virus.
Gayunman, binigyang-diin ni Herbosa na hindi ito nangangahulugan na wala na ang virus at posible pa ring tumaas ang mga kaso ng COVID-19. —sa panulat ni Hya Ludivico