Nagagamit na sa mga krimen at pangloloko ang teknolohiya at social media na ngayon ay bahagi na ng araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino kaya kailangan ng palakasin ang mga batas ukol dito.
Ito ang inihayag nina Senator Kiko Pangilinan at Minority Leader Franklin Drilon kaya isinusulong nila sa senado na marepaso ang mga batas laban sa krimen upang maitugma sa pagdami ng social media platforms at mabilis na usad ng makabagong teknolohiya.
Sa Senate Resolution No. 953 na inihain nina Pangilinan at Drilon, tinukoy na 90 taong gulang na ang Revised Penal Code at kahit maraming beses nang naamyendahan, hindi rito naikunsidera ang paglaganap ng social media platforms.
Tinukoy din na noong naging batas ang Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act noong 2012, hindi pa naiimbento ang Tiktok at mga app kung saan pwedeng mag order at magpadeliver ng pagkain at mga gamit.
Ang hakbang nina Pangilinan at Drilon ay matapos mabiktima ng fake order online ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno kung saan ginamit ang kanilang pangalan at address sa opisina. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)