Hindi ititigil ng Pilipinas ang pagpapatupad ng soberanya nito sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea.
Ito ang tugon ni Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles sa iginigiit ng China sa Pilipinas na alisin ang navy ship na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na nakasadsad sa loob ng EEZ Ng Pilipinas.
Magugunitang hinarang ng Chinese Coast Guard at binomba ng tubig ang dalawang philippine vessels na may re-supply mission sa BRP Sierra Madre noong November 16.
Ayon kay Nograles, paulit-ulit namang binabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga summit maging sa talumpati nito sa United Nations ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Arbitral Award na iginawad sa Pilipinas.
Malinaw anyang kabilang ang ayungin sa teritoryo ng Pilipinas at dapat lamang gamitin ng bansa ang sovereign rights nito sa naturang lugar, alinsunod sa UNCLOS. —sa panulat ni Drew Nacino