Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang temporary suspension ng inbound flights mula South Africa, Botswana at iba pang bansang mayroong local o hinihinalang cases ng bagong B.1.1.529 COVID-19 variant.
Ayon kay Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, agad ipinatupad ang ban na magtatapos naman sa December 15.
Inatasan na rin anya ang Bureau of Quarantine na tuntunin ang mga biyaherong nagmula sa mga nasabing bansa na dumating sa nakalipas na isang linggo.
Sasailalim ang mga naturang biyahero sa 14-day facility-based quarantine at swab test sa ika-pitong araw.
Kabilang din sa mga pinagbawalang pumasok sa Pilipinas ang mga biyahero mula Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique, na katabi lamang ng South Africa at Botswana. —sa panulat ni Drew Nacino