Pinawi ng isang South African Doctor, na unang nagbabala sa pagsulpot ng Omicron variant, ang pangamba ng publiko sa peligrong maaaring idulot ng bagong COVID-19 strain.
Nilinaw ni Dr. Angelique Coetzee, Chairperson ng South African Medical Association, 30 sa kanyang mga pasyenteng tinamaan ng Omicron ay nagpakita lamang ng mild symptoms at nakarekober nang hindi dinadala sa ospital.
Kabilang sa mga naging sintomas ng mga pasyente ay labis na kapaguran at karamihan sa mga ito ay lalaking edad 40 pababa.
Sumakit din ang kasu-kasuan ng mga ito, nakaranas ng pangangati ng lalamunan, dry cough at ilan lamang ang bahagyang nilagnat.
Samantala, inihayag ng World Health Organization na hindi pa malinaw kung mas nakahahawa ang Omicron variant kumpara sa ibang variant o kung nagdudulot ng mas malalang sakit.
Gayunman, iginiit ng WHO na batay sa preliminary evidence ay maaaring may mataas na tsansa ng reinfection mula sa bagong variant. —sa panulat ni Drew Nacino