Inihayag ng Blue Ribbon Committee na posibleng manatili sa bilangguan sa Pasay City hanggang sa susunod na taon ang dalawang Pharmally executive officials na sina Mohit Dargani at Linconn Ong.
Sa kulungan muna magpa-pasko at bagong taon ang dalawa hanggang sa matapos ang 18th Congress sa June, 2022.
Ito’y sa kabila ng balitang hindi na umano lalahok o makikipagtulungan sina Dargani at Ong sa pagdinig ng senado ukol sa umano’y mga iregularidad sa pagbili ng pamahalaan ng pandemic supplies.
Sa naging pahayag ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon, kahit pa nasa Pasay City Jail ang dalawang opisyal ng Pharmally ay nasa kustodiya pa rin sila ng senado.
Sakaling simulan ang pagdinig ngayong araw ay susunduin sila ng mga tauhan ng Senate Sergeant At Arms para iharap sa senado.
Sakali namang harangin ng abogado ni Dargani at Ong ang mga tauhan ng Senate Sergeant At Arms ay maaari din nila itong sampahan ng kaso. —sa panulat ni Angelica Doctolero