Umabot lamang sa 7.6 million ang binakunahan sa tatlong araw na National Vaccination Drive kontra COVID-19 sa bansa o malayo sa 9 million target sa tatlong araw.
Inihayag ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, 85% ng mga binakunahan ang tumanggap ng 1st dose, 3% ang tinurukan ng booster habang ang nalalabi ay mga menor de edad na tumanggap ng 2nd dose.
Ayon kay Cabotaje, pinakamarami ang nabakunahan sa Regions 4-A, 3 at 7 habang kinilala bilang top-performing provinces ang Cavite, Laguna at Cebu.
Kabilang naman sa mga rehiyon na nalampasan ang kanilang target ang Region I, National Capital Region, Cordillera Administrative Region, mimaropa at Region 2.
Gayunman, mababa ang vaccination rate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao habang hindi naabot ng Davao Region ang target nito. —sa panulat ni Drew Nacino