Stranded sa ibang bansa ang ilang filipino matapos ipatupad ang mga travel ban dahil sa banta ng COVID-19 Omicron variant.
Kabilang sa mga hindi pa makauwi ang mga miyembro ng Philippine Fencing Association (PFA) na delegado sa World Fencing Association sa Geneva, Switzerland, na noong November 30 pa dapat ang balik sa Pilipinas.
Pinayuhan naman sila ng kanilang airline provider na pumunta ng Paris, France na hindi kabilang sa red list countries na tinukoy ng Pilipinas, pero kailangan muna silang sumailalim sa 14 day quarantine pag-uwi.
Ayon kay PFA Deputy Secretary-General Sally Aramburo, handa silang magpa-quarantine sa France ng dalawang linggo pero ma-e-expire na ang kanyang visa sa December 15.
Samantala, umaapela si Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval ng pang-unawa mula sa mga stranded na pinoy.
Bukod sa Switzerland, may mga Pinoy ding apektado ng travel ban sa Italy, Hungary at Belgium. —sa panulat ni Drew Nacino