Magpapatupad ng mas mahigpit na polisiya ang Cebu City para sa mga hindi pa bakunadong indibidwal simula Enero 1 sa susunod na taon.
Sa inilabas na direktiba ng lokal na pamahalaan ng Cebu, nilinaw ni Mayor Michael Rama na tanging mga bakunado ang maaaring makapagsagawa ng mga aktibidad gaya ng face-to-face classes, misa de gallo, events at contact sports.
Papayagan rin na makapagtinda sa designated sidewalks, ang mga fully vaccinated vendors.
Layon ng paghihigpit ng polisiya na mabakunahan ang lahat ng “eligible residents” sa Cebu.
Bagamat hindi pinipigilan ng direktiba ang mga hindi pa bakunadong indibidwal na pumasok sa mga pamilihan, bangko, at mga medical facility, lilimitahan nito ang kanilang paggalaw.
Umaasa ang gobyerno ng lungsod na ang mga bagong patakaran ay maghihimok sa mga tao na magpabakuna laban sa COVID-19 bago magtapos ang taon. —sa panulat ni Joana Luna