ITINUTULAK ni senatorial aspirant Herbert “Bistek” Bautista ang pagkakaroon ng internet connection sa buong bansa.
Pahayag ni Bautista, isa pa rin sa pinakamalaking problema ang mahinang internet connection na lalong nagdulot ng problema nang magkaroon ng pandemya.
Aniya, bilang isang kandidato, bibigyang prayoridad niya na maging “konektado” ang bawat Pilipino.
“Mahina ang WiFi natin, eh ‘di ba? Kailangan i-deregulate pa natin ng konti ‘yung mga providers. Kasi nagtataka ako bakit kailangan national lahat pwede namang kunwari sa Visayas lang. So pagsama-samahin mo ‘yung pera ng mayayaman ‘dun para sila naman ang mag-provide, o sa Mindanao ganu’n din,” ayon kay Bautista, tumatakbong senador sa ilalim ng Lacson-Sotto tandem.
“Palakasin natin ‘yung WiFi. Siguraduhin natin ‘yung backbone natin, ‘yun ang hawak ng national government,” dagdag pa ni Bautista, isa sa mga pambato ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Dahil sa pagtutulak nitong magkaroon ng WiFi access ang buong bansa, maaaring tawaging “Mr. WiFi” si Bautista.
“Bistekonek… Para may konek sa masa.”
Binigyang-diin din ni Bautista ang importansya nang pagkakaroon ng internet connection sa mga guro, manggagawa, negosyante at bawat Pilipino.
Sa isang pag-aaral na ginawa ng National Research Council of the Philippines (NRCP), sinabi ni Bautista na isa pa rin sa matinding problema ng mga guro ang kawalan ng internet access.