Labinsyam na araw bago mag-pasko, patuloy ang pagsirit ng presyo ng hamon at lechon dahil sa mataas na demand sa gitna ng epekto ng African Swine Fever.
Sa isang tindahan ng hamon sa Quiapo, Maynila, umabot na sa P1,600 mula sa P1,580 ang presyo ng kada isang kilo ng bone-in ham; chinese ham, P1,540 at scrap ham, P1,440 pesos.
Kumpara ito sa P345 hanggang P1,120 pesos na kada isang kilo ng hamon sa mga supermarket alinsunod sa suggested retail price ng Department of Trade and Industry.
Samantala, tumaas ng P500 ang presyo ng lechon sa La Loma, Quezon City kaya’t nasa P6,500 hanggang P15,000 pesos na ito depende sa laki, kumpara sa P6,000 hanggang P10,000 pesos noong mga nakalipas na buwan.
Ibinabala naman ng mga Producer na sa sandaling magsimula na ang simbang gabi sa susunod na linggo ay magtataas pa sila ng presyo dahil sa manipis na supply. —sa panulat ni Drew Nacino