Prayoridad nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ng kanyang runningmate na si vice presidential bet Inday Sara Duterte ang seguridad sa trabaho at pananalapi sakaling manalo sa darating na 2022 national elections.
Ito ang kanilang inihayag sa libu-libong Cavitenio na nakilahok sa kanilang isinagawang caravan sa Kawit, Cavite.
Sinabi ni Marcos, batid nya na pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ay ang makabalik sa trabaho lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin pa ng dating senador na isa sa susi upang magkaroon ng magandang kinabukasan ay iparamdam sa taumbayan na may pag-asa para makabalik sa dating sigla ang ating ekonomiya.
Dagdag ni Marcos, napagkasunduan din nila ng kanyang runningmate na maging simbolo ng pagkakaisa para sa taumbayan.
Samantala, kapwa pinasalamatan nina Marcos at Duterte ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Caviteno matapos magpakita ng suporta sa kanilang tandem.