Naniniwala si dating COMELEC Chairman Christian Monsod na isang Crime of Moral Turpitude ang Tax Evasion Case ni Presidential Aspirant BongBong Marcos kaya’t dapat lamang ito idiskwalipika sa 2022 elections.
Ayon kay Monsod, abogado ng isa sa mga petitioner na naghain ng disqualification case laban kay Marcos, ang Moral Turpitude ay tumutukoy sa lahat ng ginagawang taliwas sa katarungan, katapatan at magandang asal kaya’t may batayan ang kanilang petisyon.
Ipinunto ni Monsod na mabigat na kasalanan ang hindi pagbabayad, hindi tamang pagdedeklara ng buwis maging ang “late filing” ng tax returns.
Binigyang-diin ng isa sa mga 1987 Constitution Framers na ang buwis ang “pinaka-mahalagang sangkap” sa pagpapalakad ng gobyerno, maging ng bansa.
Sa halos lahat anya ng desisyon ng Korte Suprema ay lagi nitong tinutukoy na ang buwis ang “lifeblood” o bumubuhay sa pamahalaan na dapat kolektahin nang walang humadlang.
Batay sa mga naging ruling ng Supreme Court, iginiit ni Monsod na kung walang buwis, mapaparalisa ang gobyerno at maaaring mabigong gampanan ang tungkulin na tulungan ang bawat mamamayan.