Nanindigan ang Department of Health (DOH) na walang rason upang magpatupad ng travel restrictions sa lahat ng bansang may kumpirmadong kaso ng Omicron variant.
Tugon ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa hirit ng health advocate na si Dr. Tony Leachon na magpatupad ng total travel ban upang mapigilan ang pagkalat bagong variant ng COVID-19.
Ayon kay Vergeire, dapat i-balanse ang lahat ng aspeto ng kalusugan at ekonomiya.
Kailangan din anyang intindihin ang magiging epekto sa foreign relations ng bansa kung isasara ang mga borders kahit ilang kaso lamang ang naitala sa ibayong dagat.
Mayroong walong bansa sa ilalim ng “red list” ng Pilipinas sanhi ng maraming kaso ng COVID-19 na binubuong Andorra, France, Monaco, Northern Mariana Islands, Reunion, San Marino, South Africa at Switzerland.