Aaabot sa 37, 665 pamilya o katumbas ng 119, 954 na indibiduwal ang nagsilikas sa mga rehiyon sa Visayas at Mindanao bunsod ng pananalasa ng bagyong Odette.
Kasunod nito, nakapagtala rin ang PNP Command Center sa Kampo Crame ng 1 napaulat na nasawi at 3 ang sugatan sa Northern Mindanao habang 1 ang nawawala sa Western Visayas subalit hindi pa inilalabas ang detalye ng mga ito.
Ayon naman kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba, may 16 ang nasagip sa Eastern Visayas habang aabot naman sa 23 ang nasagip din sa Northern Mindanao sa kasagsagan ng bagyo.
Nabatid na aabot sa 3,649 ang ipinakalat na Police Disaster Response Personnel sa mga apektadong rehiyon kung saan naka-antabay ang may 7,335 na mga Reactionary Standby Support Force para sa rapid deployment.
Sila ang aalalay sa iba’t ibang ahensya ng Pamahalaaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin sa mga Lokal na Pamahalaan sa iba’t ibang operasyon bilang pagtugon sa panahon ng sakuna. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)