Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na kukumpiskahin at papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang magbebenta o gagamit ng lahat ng ilegal na paputok.
Ito’y makaraang ilabas na ng PNP ang mga pinapayagan at mga ipinagbabawal na mga paputok na gagamitin bilang pagsalubong sa pasko at bagong taon.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ang: Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang , Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Super Lolo, Atomic Triangle, Goodbye Bading, Large-size Judas Belt, Goodbye Philippines, Goodbye Delima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox, Boga, Kwiton, Kabasi, at iba pang kahalintulad na paputok gayundin ang overweight, at imported.
Pinapayagan naman alinsunod sa RA 7183 and EO 28 ang: Baby Rocket, Bawang, El Diablo, Judas’ Belt, Paper Caps, Pulling of Strings, Sky Rocket (Kwitis), Small “Triangulo” at iba pang kahalintulad na paputok basta’t hindi overweight at hindi rin imported.
Pinapayagan din ang mga pyrotechnic devices tulad ng: Butterfly, Fountain, Jumbo Regular and Special, Luces, Mabuhay, Roman Candle, Sparklers, Trompillo, Whistle Device at mga kahalintulad na pailaw.
Ayon sa PNP, ang anumang pailaw ay maaring gamitin ng sinuman maski sa labas ng tahanan habang mga community fireworks displays ay hinihikayat din ng PNP basta’t Ito’y sa mga designated areas at dapat masusunod duon ang health protocols kontra COVID-19. —sa ulat ni Jaymark Dagala