HUMATAW si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Bongbong Marcos Jr. sa pre-election survey ng isang malaking radio station.
Batay sa face-to-face survey ng DZRH, mula sa kabuuang 7,614 respondents ay nakakuha si Marcos ng 49.2% na boto. Malayo ang agwat ng dating senador kumpara kay Vice President Leni Robredo na nakakuha lamang ng 16.2% na sinundan ni Manila Mayor Isko Moreno (10.4%), Sen. Manny Pacquiao (8.2%), Sen. Bong Go (5.8%), Sen. Ping Lacson (4.9%), ret. Gen. Antonio Parlade (0.5%) at Leody de Guzman (0.3%).
Ayon kay Manila Broadcasting Company (MBC) research director Nerisa Nunag, ikinasa ang survey ng mga field workers ng DZRH sa 17 rehiyon sa buong bansa noong Disyembre 11-12 kung saan lumitaw din na may 4.5% na undecided.
Ayon kay Nunag, dahil sa malaking lamang ni Marcos laban sa mga kalaban sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region (CAR) ay malinaw na buhay pa rin ang sinasabing Solid North.
Sa buong Mindanao naman, humakot si Marcos ng 56% habang 13.5% lamang ang nakuha ni Robredo. Namayagpag din si BBM sa Davao region at Cagayan Valley kaya’t malinaw na nakatulong sa kanya ang pagsabak ni Davao City Mayor Sara Duterte bilang running-mate niya sa darating na eleksiyon.