Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensya ng gobyerno na imonitor ang lahat ng mga lugar na dinaanan ng Bagyong Odette partikular na sa Visayas at Mindanao.
Ito ay kasunod ng kaniyang personal na pagbisita sa ilang lugar na naapektuhan ng bagyo kabilang na ang Bohol, Cebu, Surigao at Maasin City, Southern Leyte.
Matapos ang kaniyang Aerial Inspection ay kaniyang siniguro ng Pangulo na agad na maiaabot ang tulong sa mga residente upang mabilis na makabangon sa delubyong iniwan ng bagyo.
Umaasa ang pangulo na masaya paring sasalubungin ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo ang kapaskuhan ngayong taon.
Samantala, pinasalamatan naman ng pangulo ang mga rescuers, volunteers, at lahat ng mga nag-alay ng serbisyo at malasakit para makatulong sa mga kababayang naapektuhan ng bagyo. —sa panulat ni Angelica Doctolero