Umabot na sa 156 ang naiulat na nasawi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.
Nagmula ang bilang na ito sa mga lugar ng Palawan, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Cebu, Bohol, Negros Oriental, Bukidnon, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Butuan City at Agusan Del Sur.
Maliban sa bilang ng mga napaulat na nasawi, may 37 pa na napaulat na nawawala habang 275 naman ang sinasabing nasugatan sa pananalasa ng bagyo.
Pero paglilinaw ng NDRRMC, 9 lamang dito ang kumpirmado habang ang nalalabing bilang ay isinasailalim sa validation kung may kinalaman sa bagyo ang kanilang pagkasawi.
Sa kabilang dako, nakapagtala naman ang Philippine National Police (PNP) ng 375 na bilang ng mga nasawi, 515 na nasugatan habang 56 ang nawawala batay sa datos mula sa kanilang National Operations Center.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba, aabot na sa 453 ang naikasa nailang operasyon kung saan, umakyat na rin sa 4,980 ang kanilang nasagip.